Wednesday, February 23, 2011

Status: Still Jobless

Nakakasawa palang sumagot ng tanong na “Kumusta? May trabaho ka na?”

Dito ko dinala ng SarangGola sa Singapore. Tulad ng iba, dito makikipagsapalaran. Sabi nga ng marami nating kababayang OFW, para daw mabigyan ng mas magandang buhay ang mga iniiwan sa Pinas. Ganun din naman ang target ko. Iyun nga lang, sa ngayon eh hindi ko pa masasagot kung maibibigay ko yun.

Oo, wala pa akong trabaho.

Hindi ko rin masagot ngayon kung tama ba ang ginawa ko. May matino naman akong trabaho sa bayan nating mahal at nasa isa akong malaking kumpanya. Iyun nga lang, hindi naman nangangahulugan na ang lahat ng iyon ay makapagbibigay ng mga target mo.

Sakto lang ba. Kapag sumweldo sa kalahatian ng buwan, may budget ako para sa susunod na kalahati. Sabihin na natin na may natitira namang konting pang gimik o pampatak sa inuman kapag dumarating ang day off.

Pero hanggang dun lang. Hindi pwedeng mangarap na bumili ng bahay at lupa. Kung lupa pala sa paso, pwede pa, samahan pa natin ng halaman.

Uubra din naman pala yung totoong bahay at lupa, iyun nga lang eh matapos ang tatlumpong taong pagseserbisyo sa kumpanya. Iyun nga lang, you’ll never the chance to experience the luxury of life.

Kaya nung naisip ko na hindi pwede yung ganun, buo ang desisyon ko na iwan ang Pilipinas. Ito ang puro at sandaang porsiyentong sapalaran, walang naghihintay na trabaho…make or break sabi ko sa sarili.

Wala naman sigurong masama, nangarap lang naman ako. (Nakakaiyak sa totoo lang. Hindi ko alam kung dahil sa homesick o dahil sa sitwasyon ko ngayon.)

Basta sa ngayon, sige lang ako sa pagkakalat ng resume na parang nagbebenta ng kakayanan. Kahit paulit ulit kung kinakailangan, pake ko ba, hindi naman nila ko kilala eh.

Nasa kanila na ‘yun, kung deadmahin nila. Malamang sa malamang, kawalan nila ako.

Salamat nga pala kina Jepoy, Grilledbeef at Bulakbulero na naglibre ng masaganang hapunan nu’ng pangatlong gabi ko pa lang dito.
Nung gabi ding iyun ko nakasalubong ang signage na ito.

Ikaw di ka ba magtatanong? Wala naman akong balak na mag apply sa kinainan namin. Naisip ko na lang na ang ibig nilang sabihin diyan eh “No vacancy.” Hindi pa man eh sinopla na agad ako!

SGDream®

Sunday, February 20, 2011

Pusang Kalye...Este Pasakalye!


Una sa lahat pasensya na sa may ari ng litrato na ginamit ko sa heading. Kinuha ko lang ‘yan sa internet. Gusto ko sanang magbigay ng attribution kaya lang walang pangalan kung kanino nanggaling. Kung sinop ka man, huwag kang mag-alala, papalitan ko din ‘yan pag nakabili na ‘ko ng DSLR…wish ko lang na makabili ako.

Bakit nga ba SarangGola Dreams? Astig kasi ang saranggola. Hindi ibon pero nakakalipad. May nararating pero may kontrol basta matibay ang pisi na pinagkakabitan nito. Sumusunod sa hangin pero hindi bara-barang makasunod lang. Malayo ang nararating pero babalik kapag hinila at kinakailangan na.

May tamang gabay kung baga!

Nakaangkas ako ngayon sa SarangGola. Make or break lang. Bahala na kung ang SarangGolang ito ang tutupad sa mga gusto kong maabot at marating. Sa ngayon nangangapa pa. Naghihintay kung may mapapala ba.

Sana lang ito na nga. At sana rin, dito na nga.


Nakakalungkot lang na sa pag-angkas ko sa SarangGola, may mga naiwan. Pero sabi ko nga, pasasaan ba at darating din naman ang panahon at oras na babalikan ko din sila. Kita kits na lang!

Post na walang wenta, walang litrato at walang excitement muna (nakita naman ninyo na walang kabuhay-buhay ang layout at design nitong bahay ko). Hindi naman din ako nangangako na sa mga susunod eh may mapupulot ka. Ang sa akin eh para lang ba tayong tumambay at nagku-kwentuhan, nanduong may katuturan ang usapan, posible rin namang puro kagaguhan.

Pwede kang tumanggi, pero iniimbitahan kita. Kapit lang, kasama kitang ililipad…saan man tayo mapadpad.

SGDreams®

(Pasensya na nga pala, hindi ko pa nailalagay yung mga dating ka-link-kisan. Kasi naman eh, hindi naman eh, hindi pa ko talaga nakagamit ng laptop ng lagpas 10 minuto, not until makaangkas ako sa SarangGola.) May disclaimer agad?